Hinihintay na lang ng pamahalaan ng Pilipinas ang pahintulot ng pamahalaan ng US para maiuwi ang mga Pinoy na nakasakay sa isang cruise ship na tinamaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa California, ayon sa isang ng Department of Foreign Affairs nitong Miyerkules.
Ayon kay Undersecretary for Migrant Workers Affairs Sarah Arriola, kailangan nilang sundin ang panuntunan ng Amerika pagdating sa naturang sitwasyon.
“We’re trying to launch repatriation for Grand Princess (cruise ship). Kaso nga lang, siyempre, it is still subject to the approval of the US State Department,” paliwanag ni Arriola sa GMA News Online.
“So we have to look at the protocol sa country of destination,” dagdag niya.
Una rito, kinumpirma ng Department of Health na mahigit 500 Filipino ang nakasakay sa Grand Princess. Mayroon na umanong 21 katao na sakay ng barko ang nagpositibo sa COVID-19.
Sa isang pahayag nitong Lunes, sinabing nakikipag-ugnayan si Philippine Consul General Henry Bensurto Jr. sa kinauukulang ahensiya ng Amerika para sa gagawing repatriation sa mga Pinoy.
Inaalam din ni Bensurto kung mayroong Filipino na sakay ng barko ang nagpositibo sa virus.
Ayon sa konsulada, nagtatrabaho sa barko ang 529 na Pinoy na sakay nito, at siyam na iba pa ang pasahero.— FRJ, GMA News
