Tatlo pang Filipino ang kumpirmadong positibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Singapore. Dito, umabot na sa anim ang mga Pinoy na nagtataglay ng naturang virus sa nasabing bansa.

Sa website ng Singapore Ministry of Health, sinabing 37-anyos ang lalaking Pinoy na tinukoy na "Case 178" na nagtataglay ng Singapore Work Pass.

Nanggaling umano ang pasyente sa Pilipinas noong Pebrero 11 hanggang 19, at muli noong Pebrero 23 hanggang Marso 2 para bisitahin ang isang kaanak na may pneumonia, na kinalaunan ay pumanaw.

Nitong Miyerkules ay nagpositibo siya sa COVID-19 nitong Miyerkules at dinala sa Ng Teng Fong General Hospital (NTFGH).

Filipina naman si Case 167, 35-anyos na mayroon ding Singapore Work Pass, at nasa Pilipinas mula noong Pebrero 11 hanggang 17, ngayon ay nakaratay sa NTFGH.

Edad 42 naman ang isa pang Filipina na si Case 172, na mayroon ding Singapore Work Pass, at dinala naman sa National Centre for Infectious Diseases.

Ang unang Pinoy na nagpositibo sa naturang virus na si Case 89 ay gumaling na at nakalabas na ng ospital.

Sa kasalukuyan ay mayroon 82 aktibong COVID-19 cases ang Singapore, ayon sa kanilang health ministry. — FRJ, GMA News