Pito na ang mga Pinoy na nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Singapore matapos na madagdag pa ito ng isa ngayong Huwebes.
Ayon sa Singapore Ministry of Health, ang Pinoy na tinukoy bilang si Case 184 ay 35-anyos na lalaki, at umuwi sa Pilipinas noong Pebrero 24 hanggang Marso 1.
Iniugnay siya kay Case 172, ang 42-anyos na Pinay na umuwi rin ng Pilipinas noong Pebrero 27 hanggang Marso 2. Nakumpirma na positibo siya sa virus nitong Miyerkules.
Kapwa sila mayroong Singapore Work Pass at dinala sa National Centre for Infectious Diseases.
Nitong lang Miyerkules, iniulat ng health ministry ng Singapore na tatlong Pilipino ang nagpositibo sa naturang virus.
Sa listahan ng mga Pinoy na positibo sa COVID-19 sa Singapore, isa pa lang ang gumagaling at nakalabas na ng ospital.— FRJ, GMA News
