Nakauwi na sa bansa ang 881 Pilipinong marino mula sa iba't ibang cruise ship na na-stranded sa Amerika dahil sa banta ng COVID-19, ayon sa Department of Foreign Affairs.

Sa naturang bilang, 445 ang mula sa Norwegian Cruises Dawn at Encore, samantalang 436 naman ang mula sa MV Magica at MV Favolosa.

"The DFA and the Philippine Embassy in Washington DC closely coordinated with the Department of Health, Overseas Workers Welfare Administration, Department of Transportation, Department of Interior and Local Government, and the local manning agencies for the seamless repatriation," anang ahensiya.

Sasailalim sa mandatory 14-day facility-based quarantine ang mga pinauwing marino, na tututukan ng Bureau of Quarantine, ayon pa sa DFA.

Nitong Sabado, nakabalik na rin sa Pilipinas ang 370 mga Pilipinong marino mula sa tatlong cruise liners na natigil sa Italya, sa gitna ng patuloy na paglala ng mga bilang ng naapektuhan ng COVID-19 sa buong mundo.

Nagsimula ang pagpapauwi sa mga Pinoy crew ng mga cruise ship noong Pebrero, nang maapektuhan ang biyahe ng isang barko na nasa Japan nang may pasahero ito na tinamaan ng virus.--Jamil Santos/FRJ, GMA News