Inihayag ng isang Pinay nurse sa France na gumaling sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) na hindi dapat balewalain ang naturang virus matapos niyang personal na pagdaanan ang epekto nito sa kaniyang katawan.

“Do not underestimate this coronavirus. From my experience, hindi siya ganun kadaling i-beat,” sabi ni Arlou Anne Klein sa Laging Handa public briefing nitong Lunes.

“Ganu’n pala kahirap huminga. Parang mag-move ka lang, hindi ka makapag-move kasi uubuhin ka. Hindi ka makakagalaw nang masyado. Pupunta ka lang sa toilet, hindi mo kaya na walang oxygen,” dagdag niya.

Ayon pa kay Klein, hindi lang simpleng lagnat, sakit ng ulo, at ubo ang COVID-19 . Matindi rin  umano nitong pahihinain ang respiratory system ng pasyente.

Kuwento niya, nagkaroon muna siya ng sintomas, at sinabihan siya na tatlo sa pasyenteng kaniyang inalagaan ay positibo sa COVID-19.  Marso 24 nang lumabas ang pagsusuri na taglay na rin niya ang virus.

“I really suffered during that time,” saad niya. “So please huwag po kayong matigas ang ulo. We have to respect the law. We have to abide and it’s for our safety.”

Bukod sa gamutan, sinabi  niya na kailangan ang matinding panalangin para gumaling.

“Kapit lang, the thing that helped me most is prayers talaga,” sabi ni Klein.
Nitong Linggo, sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na 525 overseas Filipinos na ang positibo sa COVID-19, at 49 sa kanila ang pumanaw na.

Samantala, 132 naman ang gumaling at  344 pa ang patuloy na ginagamot. --FRJ, GMA News