Kailangan nang umuwi sa kani-kanilang lalawigan sa Visayas at Mindanao ang nasa 4,000 hanggang 5,000 overseas Filipino workers (OFWs) na bumalik sa Pilipinas at natapos na ang kanilang mandatory 14-day quarantine, ayon sa isang opisyal.

Ayon kay Administrator Hans Leo Cacdac, ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), nakikipag-ugnayan na sila sa transportation at interior departments para sa "mercy flights" o pagbiyahe ng mga OFW.

Sabi pa ng opisyal, karamihan sa mga OFW ay mula sa Saudi Arabia, Kuwait, at Italy, na pawang may umiiral ding lockdown.

Patuloy naman umanong nagbibigay ng ayuda ang OWWA sa mga OFW na kinabibilangan ng mga seafarer at land-based workers. Kabilang sa ayuda ay pagkain, transportasyon at matutuluyan.

Ayon pa kay Cacdac, may 600 OFWs mula sa Kuwait ang dumating din sa bansa nitong Martes.

"We will all transport them to an accommodation facility and take care of them until such time na sila'y makakauwi sa kani-kanilang mga rehiyon o probinsya, kasi karamihan po sa kanila ay taga-Visayas, Mindanao," anang opisyal.

Mula nang mangyari sa krisis dahil sa COVID-19, mahigit 6,000 OFWs ang kinailangang umuwi. --FRJ, GMA News