Inihayag ni Philippine Ambassador to France Ma. Theresa Lazaro na anim na Pilipino sa France ang nasawi dahil sa coronavirus disease 2019 o COVID-19. Sa datos ng Department of Foreign Affairs, umabot na sa 88 ang kabuuang bilang ng mga Pinoy na abroad ang pumanaw dahil sa virus.
“25,000 po ang Pilipino rito, at may 11 po na naapektuhan [ng COVID-19]. Anim po ang nasawi,” sabi ni Lazaro sa Laging Handa briefing nitong Miyerkules.
Ayon pa sa embahador, naka-lockdown na ang France mula pa noong Marso 17. Tatagal pa umano ang lockdown matapos palawigan ni France President Emmanuel Macron hanggang May 11.
Mataas din ang kaso ng hawahan ng COVID-19 sa France, at prayoridad ang pangangalaga sa mga pasyenteng nagpapakita ng sintomas ng sakit.
“As of yesterday po, 16,000 na po ang namatay rito sa France, kaya mahigpit po talaga ang lockdown [implementation] rito, kaya iyong iba nating kababayan hindi muna nakakapagtrabaho,” pahayag ni Lazaro.
Ayon pa kay Lazaro, mayroong 955 sea-based Filipino workers mula sa tatlong cruise ships na nakatigil sa France ang naghihintay na maiuwi sila sa bansa.
“We are coordinating with the POLO (Philippine Overseas Labor Office) office in Madrid, Spain, for their repatriation,” saad ni Lazaro.
736 Pinoy sa abroad ang may COVID-19
Sa inilabas na tala ng Department of Foreign Affairs nitong Miyerkules, sinabing 736 na ang kabuuang bilang ng mga Pinoy sa abroad ang nahawahan ng virus mula sa 41 na bansa.
(1/2) Today, a total of 32 new confirmed COVID-19 cases, 6 new recoveries, and no new deaths have been recorded among our OFs across the Americas, Asia and the Pacific, Europe, and Middle East/Africa. pic.twitter.com/KWterIMSME
— DFA Philippines (@DFAPHL) April 15, 2020
Sa naturang bilang, 88 ang nasawi, 222 ang gumaling at 426 pa ang ginagamot.
Sa bilang ng mga nasawi, 33 ang nasa Europe, 49 sa Americas, lima sa Middle East/Africa, at isa sa Asia Pacific Region.--FRJ, GMA News
