Limang Pilipino sa Saudi Arabia ang binawian ang buhay dahil sa komplikasyon na dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), ayon sa embahador ng Pilipinas sa nasabing bansa sa Gitnang Silangan.

Sa Laging Handa press briefing nitong Lunes, sinabi ni Philippine Ambassador to Saudi Arabia Adnan Alonto, na batay sa natanggap niyang impormasyon, ang limang nasawing Pinoy ay kabilang sa 119 Pilipino na dinapuan ng virus sa nabanggit na bansa.

Sa impormasyon na inilabas ng Department of Foreign Affairs nitong Lunes, nakasaad na 299 na ang Pinoy sa Middle East/Africa ang dinapuan ng virus.

 

 

Sa naturang bilang,  15 ang nasawi. Pero hindi pa tiyak kung kasama sa naturang bilang ang limang Pinoy sa KSA na binabanggit ni Alonto.

Sa kabuuan, 1,395 na Pinoy sa abroad ang nahawahan ng virus sa iba't ibang bahagi ng mundo. Sa naturang bilang, 186 ang nasawi, 380 ang gumaling at 829 ang patuloy na ginagamot.

Tiniyak naman ni Alonto na patuloy ang ibinigay na ayuda ng embahada sa mga overseas Filipino workers (OFW), lalo na ang mga nawalan ng pagkakakitaan.

Minomonitor din umano nila ang kalagayan ng mga OFW na nasa pangangalaga ng kani-kanilang mga amo para matiyak na maayos din ang kanilang kalagayan.

Kasabay nito, inihahanda rin ang repatriation flights para sa mga OFWs na nais nang bumalik sa Pilipinas.

Nitong Linggo, mayroon umanong 16,299 COVID-19 cases sa KSA, 136 dito ang nasawi.--FRJ, GMA News