Ilang overseas Filipino workers sa Riyadh, Saudi Arabia ang napilitan nang maghanap ng makakain sa basurahan sa gitna ng nararanasang pandemya dulot ng COVID-19.
Ayon sa ulat ni Emil Sumangil sa "24 Oras" nitong Lunes, ipinakita ang isang video habang naghahanap ng puwedeng makain sa tambak ng mga basura sa isang palengke sa Riyadh ang ilang OFW.
Nakararanas na raw ng gutom ang mga OFW dahil hindi na sila pinapasahod ng kanilang mga pinagtatrabahuhan mula pa noong Enero at na-lockdown pa sila nang tumama ang COVID-19 pandemic.
Ayon sa OFW na si Herbert Atienza, ang mga itinapon na gulay na medyo nabubulok na ang pinupuntahan nila sa umaga sa isang palengke sa Riyadh para iluto at nang may makain sila.
Saad pa niya, lumapit na sila noon sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) at pinapangakuan silang tutulungang makauwi pero hindi naman natutuloy.
“Sa mahal na pangulong Rody Duterte, (sana) matulungan po kami at makauwi na. Marami na rin pong nagkakasakit dito at hindi rin po kami makapunta ng ospital dahil wala po kaming pamasahe,” hiling niya sa pangulo.
Dagdag pa ng ibang OFW, may mga kasama na rin silang nagkakasakit at nahihirapan na sa kanilang kalagayan.
“Kung wala pong magbibigay ng relief at tulong sa amin, talagang hirap po kami. Hindi na kami mapautang tindahan dahil gawa nang ‘di na kami makabayad ng utang,” ani Albert Lingad.
“Tatlong araw na akong may trangkaso sana matulungan kami ng gobyerno ng Pilipinas na makauwi,” panawagan ni Emiterio de Guzman.
Samantala, ang ilan sa mga kamag-anak ng mga OFW ay nakikiusap sa pamahalaan na mapauwi na ang kanilang mga mahal sa buhay.
“Sana pangulo mapauwi niyo ang aming mga asawa doon, matulungan niyo kami. Bilang isang asawa po ng isang OFW na nagpapakahirap doon ay sobra rin po kaming nahihirapan dito,” ani Christina Atienza, asawa ng isa sa mga OFW.
“Sa totoo lang po hirap na hirap na sila doon. Wala po silang pangkain kundi po maghakot ng basura. Ang aking dalawang anak doon halos nagkakasakit na. Wala rin po silang gamot. Wala rin po silang pangkain,” ani Aniana Maala, tiyahin ng OFW.
Hinanakit naman ng isang kapatid ng OFW, hindi nila naranasan na mamulot ng basura sa Pilipinas pero nararanasan ng mga mahal nila sa buhay ngayon doon sa KSA.
“Sila po kasi nangarap na ‘yong pamilya dito maitaguyod pero ang nangyari sila pa ang aming iniisip,” sabi ni Rosalie Bancoro, kapatid ng OFW.
Nangako naman ang Overseas Workers Welfare Administration na tutugunan nila ng aksiyon ang kalagayan ng mga nagugutom na OFW.
“Alamin natin ‘yong detalye ng aksiyon ng ating embahada roon. Kami naman po’y handang tumulong sa inyo. Huwag po kayong mag-alala, bibigyan natin ng tugon o lunas ‘yong sitwasyon ng inyong mga mahal sa buhay,” ani OWWA admnistrator Hans Leo Cacdac.--Ma. Angelica Garcia/FRJ, GMA News
