Namatay sa hindi pa malinaw na dahilan ang isang overseas Filipino worker (OFW) sa Jeddah, Saudi Arabia sa gitna ng kaniyang swab test para sa COVID-19, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Lunes.

Sa impormasyon mula kay Consul General Edgar Badajos, kasalukuyang nasa testing ang OFW nang magpaalam ito para umihi.

Nalamang patay na ang OFW nang pinilit buksan ang pinto ng mga tao matapos hindi siya lumabas sa loob ng ilang minuto. Nadala pa siya sa ospital pero namatay din kalaunan.

Kabilang ang biktima sa 77 lalaking nanunuluyan pansamantala sa konsulado sa Jeddah na isinailalim sa swab test. Aabot sa 58 sa kanila ang nagpositibo bagama't wala naman silang nararanasan na sintomas ng COVID-19.

Naka-isolate na ngayon ang mga nagpositibo sa test samantalang sarado hanggang sa susunod na linggo ang opisina ng konsulado para sa disinfection. —KBK, GMA News