Sa tulong ng pamahalaan, nakauwi na sa Pilipinas ang 410 na Pilipino na mula sa Lebanon.  Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), ito ang pinakamalaking grupo na nai-repatriate sa loob ng isang araw.

Sa pahayag nitong Huwebes, sinabi ng DFA na marami sa mga Pinoy na tinulungan ng Philippine Embassy sa Beirut na makauwi ay ilang taon nang naninirahan sa Lebanon.

Sinimulan umano ng embahada ang voluntary mass repatriation program noong Disyembre 2019.

 

 


Bago nito, mayroon na rin umanong 1,023 Pinoy ang mga naunang natulungang mapauwi ng embahada sa nagdaang 15 repatriation flights.

Noong Abril 2, pumanaw dahil sa komplikasyon sa COVID-19 si Philippine Ambassador to Lebanon Bernardita Catalla, ang nanguna sa voluntary mass repatriation program.

Sasailalim din sa itinakdang protocols kaugnay sa pag-iingat sa COVID-19 ang mga dumating na mga Pinoy mula sa Lebanon.

Samantala, magsasagawa rin ng special repatriation flight ang pamahalaan para maiuwi naman ang 354 OFWs sa Saudi Arabia, ayon sa DFA.—FRJ, GMA News