Kabilang ang apat na health care workers sa 31 Pilipino na nasawi sa Kuwait dahil sa COVID-19, ayon sa isang opisyal.

Sa Laging Handa briefing nitong Huwebes, sinabi Chargé d'Affaires Charleson Hermosura, na sa tinatayang 300 Pilipino na nagpositibo sa virus, gumaling na ang 260 sa kanila.

Kaagad naman umanong inilibing ang mga nasawi sa COVID-19 sa Kuwait.

Sinabi pa ni Hermosura na tinatayang 23,000 Pilipino rin ang nawalan ng trabaho, at may mga napunta sa mga trabahong no-work, no-pay.

Ang naturang bilang ay batay umano sa mga listahan ng mga aplikante para sa financial assistance program kung saan makatatanggap ng one-time cash aid na P10,000 o $200 ang mga kuwalipikado.

Mula Marso 25, umabot na sa 4,000 Pinoy doon ang natulungang makauwi sa Pilipinas.

 

 

Sa ulat ng Department of Foreign Affairs nitong Huwebes, sinabing umakyat na sa 8,974 ang mga Pinoy sa abroad na nahawahan ng COVID-19 matapos na madagdagan ng 59 na panibagong mga kaso.

Sa naturang bilang, 5,321 na ang gumaling matapos na madagdagan ng 10 recovery.

Tumaas naman sa 633 ang mga nasawi na nadagdagan ng 15, at 3,020 pa ang patuloy na ginagamot.--FRJ, GMA News