Binastos, sinaktan at pinagbantaan na papatayin ng isang lalaking Canadian ang isang Pilipina na tumangging makipagkaibigan sa kaniya sa Alberta sa Canada.

Sa ulat ni Lei Alviz sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, makikita sa video ang pagwawala ng suspek habang nasa labas ng apartment ng Pinay na si Patricia Medrano sa Edmonton, Alberta.

"I'll kill you... I'll decapitate you," sabi ng lalaki kay Medrano.

"Filipino... get out of Canada," patuloy ng suspek.

Ayon kay Medrano, nagwala ang lalaki nang hindi niya makuha ang kaniyang pangalan ang contact number.

"Sumisigaw na po kasi siya sa may hallway, tinatanong niya, sabi niya, 'Can I ask [for] your name,' and  then tinatanong po niya 'yung kapatid ko kung puwede po bang makuha 'yung number ko," sabi ni Medrano.

"Ngayon, sabi po ng kapatid ko sa kaniya, 'No'," patuloy niya.

Nagtamo ng pasa at na-trauma si Medrano dahil sa pagwawala ng lalaki.

"Ako po, I felt uncomfortable and uneasy. Sobrang unexpected din po talaga 'yung ganitong pangyayari," sabi ng biktima.

Dinakip na ang lalaki na nahaharap sa reklamong assault at pagbabanta. P

inagbawalan din siyang pumunta sa apartment ni Medrano.--FRJ, GMA News