Kung noon ay hindi naniniwala si Rhian Ramos na puwedeng magtagumpay ang isang long-distance relationship, nagbago na raw ito ngayon dahil sa relasyon nila ngayon ng kaniyang Israeli boyfriend na si Amit Borsok.

"Long-distance actually is one of the things na sinabi ko when I was younger na never, ever kong gagawin. Sabi ko 'It complicates everything, mahihirapan lang ako. If I find out na I'm gonna have to have a long-distance relationship with someone, hindi ko na lang itutuloy, 'wag na lang,'" kuwento ni Rhian nang mag-live stream siya para sa "Love of My Life."

"But actually, my current boyfriend, Amit and I, sa long-distance relationship kami nagkakilala. Because I met him here in Manila kaso lang I was going to fly to New York for six months," kuwento pa niya.

Tinanggihan daw noong una ni Rhian si Amit na manligaw sa kaniya dahil wala siyang oras.

"So nu'ng nakilala ko siya dito, sinabi ko na agad sa kaniya na 'Actually wala akong time eh kasi 'yung natitira kong oras dito gusto ko i-spend du'n sa mga taong mahal ko kasi I'm gonna miss them. I don't have time to get to know someone new and then leave," sabi ng aktres.

Pero nakita ni Rhian na gumagawa ng paraan si Amit para makilala siya nito.

"He gave me space for a month, we became friends. Usually doon mo ako makukuha eh. 'Yung panliligaw medyo na-o-awkward ako. If you take me out on very formal dates I feel pressured. But if you become my friend and I get to know you, little by little in a not romantic setting, 'yung personality mo talaga 'yung makikilala ko, most effective 'yun for me," sabi ni Rhian.

"So we became friends and when I got to New York, we started calling each other everyday. Everyday siguro nag-usap kami for two to four hours a day. Dumating kami sa point na sinabi ko, 'Alam mo this is not what this trip is about. Let's not talk muna,' ganiyan ganiyan. Ah, three days lang nag-last. Pagkatapos noon every day na ulit," anang Kapuso actress.

Para kay Rhian, posible ang long-distance relationship hangga't nakikita niya na may hangganan din ang pansamantalang pagkakawalay niya sa kaniyang boyfriend.

"So it's actually possible to maintain a long-distance relationship. Pero kaya siya naging possible para sa sakin kasi alam kong may katapusan naman eh. Mahirap pagka long-distance relationship tapos hindi kayo gumagawa ng plano na 'Paano natin gagawing iisa 'yung mundo natin? 'Yung mundo ko rito, may mundo ka diyan, paano natin iko-combine 'yun?," saad niya.

Ipinakilala ni Rhian sa publiko si Amit noon Nobyembre ng nakaraang taon.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News