Dahil sa pagtitinda ng daing na bangus, nabuhayan ng loob ang isang Pinay na dating band singer sa Singapore na nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic.

Sa ulat ni Nico Waje sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes,  sinabi ni Charise Vinuya na napaaga ang pagtatapos ng kontrata niya sa Singapore dahil sa coronavirus pandemic.

Nang umuwi siya sa Tondo, Maynila, umasa siyang hindi magtatagal ang pandemiya at makababalik din siya kaagad sa trabaho.

"First wave po ubusan muna ng ipon. Kasi nanduon ka sa thinking na, 'ah baka matapos din. Baka after ng ilang buwan e ok na din siya,'" saad niya.

ADVERTISEMENT

Pero nang magtagal ang mga community quarantine ng limang buwan at walang indikasyon na babalik na sa normal ang lahat, doon na siya nag-alala at nag-isip ng puwedeng pagkakitaan.

Nag-aplay umano siya ng mga trabaho sa internet at namuhunan sa cosmetics business pero hindi sapat ang kaniyang kita.

Hanggang sa hikayatin siya ng isang kasamahan din sa banda na nagbebenta ng daing na bangus na pasukin na rin ang naturang pagtitinda sa online.

"Meron akong last na pera nun, [sabi ko] parang, 'Ano nang gagawin ko dito?" ani Charise. "Dapat may puntahan 'tong maayos, dapat may puntahan 'tong maganda."

Sinunod niya ang payo ng kaibigan at umabot umano ng P15,000 sa isang buwan ang kinita niya sa daing na bangus na siya rin ang nagdedeliver.

"Hindi ganun kalaki 'yung kinikita ko. Maibalik man lang ng kahit konti, parang umikot man lang 'yung pera ko na hindi lang siya puro palabas," masaya niyang sabi.

Payo niya sa ibang dumadaan din sa pagsubok ngayon dahil sa pandemic.

"Dapat lagi tayong may Plan B. Kung di umubra 'yung Plan B, dapat may Plan C hanggang Z," ayon kay Charise. "Ok lang na magpahinga pero wag kang susuko."

Nagagawa pa rin naman ni Charise ang kaniyang hilig sa pag-awit sa kaniyang Facebook at Youtube account, kung saan naipo-promote din niya ang kaniyang tindang daing na bangus.—FRJ, GMA News