Kinasuhan na ang 64-anyos na lalaking Malaysian na nagmamaneho ng sasakyang nakapatay sa dalawang Filipinang OFW sa Lucky Plaza mall sa Singapore noong nakaraang Disyembre.

Sa ulat ng Straits Times, sinabing nahaharap si Chong Kim Hoe sa tatlong kaso ng dangerous driving. Itinakda ang kaniyang piyansa sa $15,000.00.

Si Chong, permanent resident sa Singapore, ay sinasabing nawalan ng kontrol sa kaniyang sasakyan habang nagsasagawa ng U-turn sa Nutmeg Road sa likod ng Orchard Road shopping mall.

Nakarating ang sasakyan sa Lucky Plaza na tambayan ng mga OFW at sinuyod nito ang mga biktima. Tinamaan din nito ang metal railing hanggang sa nahulog sa lower ramp ng mall.

Kabilang sa mga tinamaan ng sasakyan at nasawi sina Abigail Danao Leste, 41, at Arlyn Picar Nucos, 50.

Bukod kina Leste at Nucos, apat na Filipina pa ang nasugatan sa naturang insidente.—FRJ, GMA News