Niluwagan pa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang travel restrictions sa pagpapadala ng mga healthcare professional sa ibang bansa, ayon sa Malacañang nitong Lunes.

Sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque na ang mga may kontrata na sa abroad nitong of August 31 ay papayagan nang umalis ng Pilipinas.

Sa naturang bagong patakaran, tinatayang 1,500 na nurses at iba pang health workers umano ang makikinabang.

Una rito, ang mga healthcare employee na may government-issued overseas employment certificates (OEC) at verified work contracts hanggang noong Marso 8, 2020, lamang ang pinayagang hindi makasama sa temporary deployment ban sa medical and allied health workers.

Ginawa ring exempted sa ban ang mga nakabakasyon na health workers at may umiiral pang job contracts sa ibang bansa.

Ipinatupad noon ni Duterte ang pansamantalang deployment ban upang maprotektahan umano ang Filipino healthcare workers at madagdagan ang medical manpower sa bansa dahil sa COVID-19 pandemic.

Gayunman, nanawagan si Labor Secretary Silvestre Bello III na bahagyang luwagan na ang naturang patakaran.—FRJ, GMA News