Nakauwi na sa Pilipinas nitong Martes ang babaeng Overseas Filipino worker (OFW) na anim na taong nakulong sa Saudi Arabia matapos akusahang pumatay sa kaniyang amo noong 2013.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), napatunayan sa korte na walang kasalanan si Rose Policarpio kaya pinalaya siya matapos ang anim na taong pagkakakulong.

Kadarating lang noon ni Policarpio, 31-anyos, sa Riyadh para magtrabaho bilang food server nang akusahan siyang pumatay sa kaniyang amo.

ADVERTISEMENT

 

 

Tinutukan umano ng DFA ang kaso ni Policarpio at nagbigay ng abogado sa pamamagitan ng Legal Assistance Fund (LAF).

Matapos mapawalang-sala, inasikaso ng DFA ang immigration penalties ni Policarpio at ikinuha ng exit visa para makauwi na sa bansa.

“This is a vindication of Ms. Policarpio and a clear declaration of her innocence,” sabi sa pahayag ni Foreign Affairs Undersecretary Sarah Lou Arriola.

Samantala, kailangan munang tapusin ni Policarpio ang health protocols bago niya tuluyang makapiling ang kaniyang pamilya.—FRJ, GMA News