Umabot sa mahigit 46,000 na Pinoy seafarers ang naipadala sa ibang bansa nitong nakaraang Setyembre sa kabila ng COVID-19 pandemic, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Sa Laging Handa briefing nitong Biyernes, sinabing mas mataas ang naturang bilang ng 12 porsiyento kumpara sa mahigit 41,000 na naipadalang seafarers sa ibang bansa sa kaparehong buwan noong 2019.

“Ang ibig sabihin po nito ay sumisiglang muli ang ating pag-deploy hindi lang ho sa cargo, sa oil, to a certain extent, even the cruise line ay sumisiglang muli,” ayon kay DOLE Undersecretary Joji Aragon.

ADVERTISEMENT

Ang Pilipinas ang sinasabing isa sa largest providers ng seafarer sa buong mundo.

Nitong nakaraang Lunes, hiniling muli ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso na madaliin ang pagpasa sa batas na lilikha sa kagawaran na tututok sa mga overseas Filipino workek (OFW).

Ipinahiwatig din ng pangulo ang posibleng paglikha ng isa pang sangay ng pamahalaan para tumutok lamang sa kapakanan ng mga Filipino seafarer.

Ayon kay Aragon, "Ito hong Department of OFW, whichever comes first, whether magkaroon ng separate entity solely devoted to seafarers o magkaroon ng DOFW, one of the principal values and strategic intent ng batas na ito or ng entity na ito ay talagang palakasin ang seafarers."

“Matagal na po itong hinanaing ng ating seafaring industry,” patuloy niya.

Nagpadala na umano ng liham si Labor Secretary Silvestre Bello III sa Senado para ipaalam na sinusuportahan ng kalihim ang pagkakaroon ng bagong kagawaran, ayon pa kay Aragon.

Sa ngayon, kabilang ang DOLE sa mga ahensiya ng pamahalaan na namamahala sa usapin ng mga OFW, gayundin ang Department of Foreign Affairs.— FRJ, GMA News