Iminungkahi ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa mga overseas Filipino worker sa United Kingdom na nagbabalak na magbakasyon sa Pilipinas na ipagpaliban muna ang kanilang plano.

"Uuwi dito, magbabakasyon, maka-quarantine ng 14 days. Sayang 'yung panahon. Hintayin na lang nila na gaganda ang panahon," payo ni Bello nang makapanayam sa Dobol B sa News TV nitong Lunes.

"Eh 'yun ay payo lang naman. Kung gusto nilang umuwi, eh di OK lang. Kaya lang dadaan lang ng 14-day quarantine," paliwanag niya.

Ginawa ni Bello ang mungkahi matapos talakayin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Cabinet meeting nitong Sabado ang tungkol sa bagong variant o uri ng coronavirus na nakita sa UK.

"Sabi ko may total restrictions sa mga galing ng UK except 'yung mga Filipinos na uuwi. OK lang naman pero ang problema, kung OFW, uuwi dito, magbabakasyon, maka-quarantine ng 14 days," ani Bello.

"Eh ganun kamahal ng Pangulo ang mga OFW. Sabi niya, hindi, pauwiin mo," dagdag pa niya.

Ang mga balikbayan na dumating sa UK noong nakaraang linggo mula sa Ninoy Aquino International Airport ay dinala sa Athlete’s Village sa New Clark City sa Tarlac para sa quarantine.

Sinimulang ipatupad ng pamahalaan ang travel ban sa biyahe ng mga eroplanong galing sa UK noong 12:01 am ng December 24.

Samantala, sinabi ni Bello na batay sa ulat mula sa DOLE official sa UK, wala pang Pinoy doon na dinapuan ng bagong variant ng coronavirus.

"So far wala pa namang nare-report na tinamaan ng bagong variety," anang kalihim. "Pagka natamaan sila ng bagong variant, sana hindi makapasok dito, e talagang ika-quarantine mo 'yan. Kaya strict ang protocol ngayon kung galing ka doon sa lugar na may ganyang contamination. Talagang 14-day quarantine ka."

Sinabi rin ni Bello na pag-uusapan din ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) kung magpapatupad din ng travel restriction sa mga manggagaling sa mga bansang may bagong variant ng coronavirus.

"Palagay ko magkakaroon ng desisyon mamaya 'yung mga lugar na meron na rin gaya ng Australia, Singapore, Japan, baka iko-consider din. We have to be very sure na hindi tayo pasukin ng bagong variety ng COVID-19 na 'yan. 'Yung travel ban puwedeng pag-isipan 'yan kasi mahirap na," ani Bello.--FRJ, GMA News