Kahit milyonarya na dahil sa pagsisikap sa kaniyang trabaho bilang yaya sa abroad, hindi pa rin titigil si Rosie Vargas Villa sa kaniyang pagsisilbi sa ibang bansa. Pero bakit nga ba? Alamin.

Walong taon nang pagtatrabaho bilang yaya si Villa at mapalad siya sa kaniyang amo ngayon sa Dubai dahil itinuring siyang miyembro ng pamilya.

Sa “Global Pinoy Unlimited” ng GMA Pinoy TV," ikinuwento ni Villa na tubong-Iloilo, siya ang nag-aalaga sa anak ng kaniyang amo mula noong maliit ito.

Hindi raw yaya ang pagpapakilala sa kaniya ng kaniyang amo sa nito kung hindi "special auntie."

"'Rosie is not your nanny or a helper, she is your special auntie,'" sabi ni Rosie na sinasabi raw ng kaniyang amo sa anak nito.

"Ako kasi kapag nag-aalaga ng bata minamahal ko eh. Iba talaga kapag ikaw ang nakagisnan niya mula noong maliit. The way ng pagmamahal mo sa kaniya, mas sobra pa minsan 'yung pagmamahal ko kaysa sa nanay niya," dagdag ng Rosie.

Itinuturing nang pamilya si Rosie ng kaniyang amo kaya ito na rin ang tumutulong sa kaniya sa tuwing may problema siya sa Pilipinas.

"Sinasabi nila, 'Pamilya tayo, wala tayong taguan. Kung ano 'yung problema mo problema namin. 'Pag may problem sa bahay pag-usapan natin. At saka huwag kang magtago.' Talagang understanding 'yung amo ko,'" sabi ni Rosie na sinasabi sa kaniya ng kaniyang amo, na kaniya nang naging "shoulders to cry on."

Mayroong anak si Villa na naiwan sa Pilipinas pero patuloy pa rin siyang maglilingkod sa kaniyang amo sa Dubai kahit pa milyonarya na siya.

Tunghayan ang buong kuwento ni Villa at maging inspirasyon sa video na ito. Panoorin.

Bisitahin lang ang www.gmapinoytv.com/subscribe para sa mapapanood ang “Global Pinoy Unlimited” sa GMA Pinoy TV.-- FRJ, GMA News