Hindi rin papayagan na makauwi sa Pilipinas ang mga Pinoy na manggagaling sa India, alinsunod na temporary travel ban na ipatutupad ng pamahalaan simula sa Huwebes.

Ayon sa Department of Health (DOH) nitong Miyerkules, epektibo ang travel ban ng mga manggagaling sa India simula 12:01 a.m., April 29 [Huwebes] at matatapos sa May 14.

Ang mga nasa biyahe na bago ang umpisa ng travel ban at papayagan pang makapasok ng Pilipinas.

“Napagdesisyunan that even our fellow Filipinos, hindi muna natin papapasukin for this temporary period,” ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa online briefing.

“This is just so that we can be able to ensure na ma-guard natin ‘yung borders natin,” dagdag niya.

Ang travel ban ay ipinatupad dahil sa matinding pagtaas ng COVID-19 cases sa India. Hinihinala ng mga eksperto na kasama sa mga dahilan ng pagdami ng hawahan ng virus sa India ang bagong coronavirus variant na B.1.617, na inilarawan na “double mutant.”

Sinasabing mas nakahahawa ang naturang virus na nakarating na sa 17 bansa.

Naghahanda na ang Bureau of Immigration (BI) para mahigpit na ipatupad ang kautusan sa travel ban ng mga manggagaling sa India.

“We are conducting a 100% passport inspection to determine the travel history of an arriving person,” ayon kay BI port operations division acting chief Carlos Capulong.

“If we see that the traveler has been to India within the last 14 days, then he will be excluded and boarded on the next available flight back to his port of origin,” dagdag niya.

Ayon kay Vergeire, layunin ng Pilipinas na mapigilan na makapasok sa bansa ang bagong variant ng virus na galing sa India.

“Mag-iingat tayo kasi nakikita na natin ‘yung nangyayari sa kanila at ayaw na natin na magkaroon pa ng enabler ang ibang variants na pumasok dito sa ating bansa para makapag-cause pa ng further transmission ng sakit,” pahayag ng opisyal.

Nitong Martes, ilang Pinoy sa India ang nagpahayag ng kagustuhan na makauwi na sa Pilipinas dahil sa nangangamba sila sa sitwasyon sa India dahil sa COVID-19.—FRJ, GMA News