Isang 16-anyos na Filipino-American ang nasawi matapos na basta na lang pagbabarilin ng salarin sa kanilang bahay sa Seattle, Washington sa Amerika.
Kinilala ang biktima na si Earl Estrella, residente ng Waters Avenue South, Rainier Beach sa Seattle, ayon sa ulat ng Northwest Asian Weekly.
Nangyari ang insidente noong Abril 23, dakong 11:00 pm nang puntahan niya ang pinto para alamin kung sino ang tao.
Ayon sa ilang saksi, ilang beses pinagbabaril ng salarin ang biktima.
Tumakas ang salarin matapos gawin ang krimen.
“For those of you who knew and loved Earl, this news is absolutely devastating as he was only 16 years old and was a kind and sweet person,” ayon kay Daisy Ganal, kaanak ni Estrella.
Gumawa ng GoFundMe page si Ganal para makatulong sa gastusin sa pagpapalibing kay Estrella.
"Any amount is greatly appreciated and if you cannot donate at this time, sharing this post will also go a long way," sabi ni Ganal.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng Seattle police para matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin.--FRJ, GMA News

