Para mapasiglang muli ang industriya ng turismo, iminungkahi ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat na bawasan sa pito mula sa 10 araw ang quarantine period sa mga overseas Filipino workers (OFWs) at balikbayan na mayroon nang dalawang dose ng bakuna kontra sa COVID-19.
Sinabi ni Puyat sa panayam sa ANC na ang mungkahing “green lane” ay ipinarating na niya sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) at tatalakayin ng mga health expert.
Ayon sa kalihim, ang mga balikbayan ang ikatlo sa pinakamalking merkado ng turismo sa Pilipinas. Gayunman, nagiging hadlang umano para umuwi sila sa bansa dahil sa kinakailangang 10-day quarantine period.
“The protocols for the fully vaccinated and the non-vaccinated is the same. So we proposed to the IATF if it is possible to have a different protocol for the fully vaccinated individuals,” paliwanag ni Puyat.
Ayon sa kalihim, ang pagbawas sa pitong araw na quarantine period ay ipinatupad din umano sa Thailand para sa mga fully vaccinated mula rin sa 10 araw.
“The point is, we have to start somewhere. It is like a test. If the DOH allows to reduce it to seven days, at least it is not 10 days. We can encourage more people to come. Just to test at least and it is not like we are the first (country to do this) but this will be discussed with the DOH,” ani Puyat.
Una rito, inihayag ng DOT ang mungkahing “green lane” noong Biyernes para din sa mga dayuhang turista na fully vaccinated na rin.
Sinabi ni Tourism Undersecretary Benito Bengzon na ang kita sa foreign tourism nong 2020 ay bumaba sa P82 bilyon mula sa P482 bilyon noong 2019. —FRJ, GMA News

