Nilinaw ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na puwedeng umalis ng bansa ang mga Pinoy health worker na may kasalukuyang kontrata sa abroad.

Ginawa ni POEA Administrator Bernard Olalia ang pahayag nitong Martes, sa harap ng ipinatutupad na 5,000 cap para sa deployment ng Filipino nurses sa abroad.

Nakamit na umano ang naturang limit kaya hindi na magpapadala pa ng Pinoy nurses sa abroad ngayon taon dahil na rin sa nararanasang COVID-19 pandemic.

Dahil dito, hindi na rin maglalabas ang POEA ng mga bagong OEC o overseas employment certificate sa mga Filipino health care workers sa ngayon.

"The cap of 5,000 was reached last June 1 based on the overseas employment certificate issued since January. Exempted from this are those with existing contracts," paliwanag ni Olalia sa Laging Handa briefing.

"Also exempted are those for deployment in the United Kingdom and those hired under government-to-government scheme because we have to fulfill the state obligation under such bilateral agreement. So they will be able to leave," sabi pa ng opisyal.

Ayon pa kay Olalia, inirekomenda na ng POEA sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases na dagdagan o itaas ang "cap" o bilang ng mga Filipino health worker na puwedeng payagang magtrabaho sa ibang bansa.

"We want to be able to deploy more," ani Olalia.

Kabilang umano sa 5,000 na Pinoy health workers na nakaaalis simula noong Enero ay mga nurse, nursing aides at nursing assistants.

Deployment ban sa Myanmar

Samantala, sinabi ni Olalia na may ipinatutupad na temporary deployment ban sa Myanmar dahil na rin sa kaguluhan doon bunga ng sagupuan ng administrasyon na pinamumunuan ng militar at mga pro-democracy protester.

Gayunman, papayagan naman na magpunta ng Myanmar ang mga Pinoy na nasa Pilipinas pero may kasalukuyan ding job contracts sa nabanggit na bansa. —FRJ, GMA News