Sinagip ng mga awtoridad ang isang overseas Filipino worker (OFW) sa Saudi Arabia na sinasaktan at nais pagsamantalahan umano ng kaniyang amo.

Sa panayam sa GMA News "Unang Hirit" nitong Miyerkules, sinabi ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) director Connie Marquez, naialis na sa bahay ng kaniyang amo ang OFW.

Kaagad umanong kumilos ang mga opisyal ng Philippine Embassy office sa Al Khobar nang malaman ang sitwasyon ng OFW na nagtrabahong kasambahay.

Sa tulong din ng recruitment agency sa Saudi Arabia, inilagay na ang OFW sa pangangalaga ng Bahay Kalinga, ang kanlungan para sa distressed OFWs.

ADVERTISEMENT

"Kagabi [Martes] pinull-out siya ng Saudi recruitment agency at nagkaroon ng meeting with our welfare officer sa Al Khobar, at doon may agreement na hindi na pauwiin si Ma'm dun sa bahay ng kaniyang employer at dun na siya magsi-seek ng refuge sa ating Bahay Kalinga," ani Marquez.

Mananatili umano ang OFW sa Bahay Kalinga hanggang sa maisaayos ang mga papeles para maiuwi na siya sa Pilipinas sa June 24.

"Meron na siyang final exit at isasama natin siya dun sa ating chartered flight organized by the Philippine Embassy in Riyadh and by the Department of Foreign Affairs, and ang tentative schedule po ng kaniyang pag-uwi ay June 24," anang opisyal ng OWWA.

Ayon kay Ernalyn Hadap, ang OFW sa Saudi Arabia na tumulong sa kaniyang kababayan, batay sa sumbong ng biktima ay nagsimula siyang abusuhin ng amo noong Ramadan.

Kinumpiska rin umano ng amo ang cellphone ng inaabusong OFW nang malaman na mayroon itong video na pinost kaugnay sa dinadanas na kalupitan.

"Sabi niya after ng Ramadan dito, nagsimula na yung ganun, gustong-gusto siyang gagahasain ng anak ng amo niya, 23 years old po iyon," ayon kay Hadap sa hiwalay na panayam sa "Unang Hirit".

Tutulungan umano ng embahada ang OFW kung gusto nitong sampahan ng kaso ang kaniyang amo, ayon kay Marquez.—FRJ, GMA News