Nasawi ang isang Pinay na nagtatrabaho bilang kasambahay sa Dubai. Ang biktima, nagsumbong sa mga kaanak niya sa Pilipinas kaugnay sa ginagawang pagmamaltrato raw sa kaniya ng amo.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Maria Sigrid Sanchez Santos.

Bago pumanaw, isinumbong daw ang biktima sa kaniyang mga kaanak na sinasaktan siya ng kaniyang amo.

ADVERTISEMENT

Sa isang larawan, ipinakita niya ang tinamong mga pasa at sugat sa likod.

Ikinukulong din daw si Santos, hindi pinapakain sa tamang oras at kulang ang ibinibigay na sahod.

Kinuha rin daw ng amo ang pasaporte, mga dokumento at cellphone ng biktima.

Ayon sa Overseas Workers Welfare Administration, nakakulong na sa Dubai ang amo ni Santos, at tatlong iba pa kaugnay sa kaniyang pagkamatay.

Umaapela naman sa pamahalaan ang anak ni Santos tulungan silang makamit ang hustisya ng kaniyang ina, at maiuwi na sa Pilipinas ang kaniyang bangkay.--FRJ, GMA News