Kahit nakontrol na muli ng Taliban ang Afghanistan, ilang overseas Filipino workers (OFWs) ang pinili pa ring manatili doon. Sa kabila ito ng mandatory evacuation na idineklara ng pamahalaan ng Pilipinas para maialis doon ang mga Pinoy.

Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, ipinaliwanag ng ilang OFWs na tumangging magpalikas na tahimik naman daw sa kanilang kinaroroonan sa Jalalabad kumpara sa ibang lugar.

Si Joel Tungal, security coordinator, ipinakita ang kanilang compound sa United Nations High Commissioner for Refugees, at sa laban kung saan nakapuwesto umano ang mga Taliban.

“Sa labas, normal lang ‘yung ano. Ito rin ‘yun ‘yung ano ng Taliban sa harapan namin,” sabi ni Tungal habang ipinapakita ang kuha ng CCTV sa paligid ng kaniyang compound.

ADVERTISEMENT

“’Yung routine namin na prevent, protect, and serve nandoon pa rin ‘yun,” sabi pa niya.

Tahimik daw ang sitwasyon sa kanila kumpara sa ibang lugar tulad sa Mazar-i-Shariff, kung saan nagpasaklolo na para mailikas ang ilang Pilipino doon sa private security contractors.

Kahit naisin daw nilang umalis, mahihirapan naman silang makarating sa Kabul kung saan isinasagawa ang repatriation.

“Ang way lang po nito, United Nations lang po ang makikipag coordinate sa Taliban at sila lang ang gagawa ng plano po,”  sabi naman ni Richard De Claro.

Umaasa si Tungal na tutuparin ng mga Taliban ang sinabi nitong ligtas ang mga Pinoy na nasa Jalalabad.

“‘Wag po kayo mag-alala. Hanggang narito po kami sa United Nation, kami po ay umaasa na safe at nakakaasa po kami na safe po ang sitwasyon namin dito,” ayon kay De Claro.

--FRJ, GMA News