Arestado ang isang lalaki na nag-aalok daw ng slot sa magpapa-renew ng passport kapalit ng bayad na aabot ng P2,500 hanggang P20,000.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing isinagawa ng mga tauhan ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) at National Bureau of Investigation (NBI) ang entrapment operation.

Nakuha sa suspek na si Modesto Bartolome Jr., ang markadong pera na ginamit sa operasyon at ang bagong isyu na pasaporte.

Isinagawa ng mga awtoridad ang operasyon matapos matuklasan na may nagaganap na bentahan ng slot sa pag-renew ng mga pasaporte.

Pahirapan ngayon ang pagkuha ng slot para makapagpa-schedule ng passport renewals sa Department of Foreign Affairs.

Pero mayroon umanong fixer na iniaalok ang slot ng mula P2,500 hanggang P20, 000. Mas malaki sa karaniwang bayad sa pagproseso ng pasaporte na umaabot lang ng P950.

Itinanggi naman ng suspek ang paratang laban sa kaniya at handa raw niya itong sagutin.

Iprinesinta naman ARTA at NBI sa DFA ang mga ebidensiya tungkol sa katiwalian sa pagkuha ng slot pati na ang mga private email ng transaksiyon.

Nangako ang DFA na makikipagtulungan sila sa imbestigasyon tungkol sa naturang kontrobersiya.

“Ang trabahong ito ay very significant because natuklasan natin na may nagsasamantala sa appointment ng passport. May passport appointment for sale, may mga kumikitang tao,” ayon kay NBI STF Chief Atty. Bernard dela Cruz.--FRJ, GMA News