Kasunod ng temporary suspension sa pagproseso at pagpapadala ng newly-hired household service workers sa Kingdom of Saudi Arabia, rerepasuhin ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang verification guidelines para maprotektahan ang naturang mga overseas Filipino worker.

"Ito pong kautusan (temporary suspension) na ito ay upang repasuhin 'yung ating tinatawag na verification guidelines ng POLO (Philippine Overseas Labor and Office)," ayon kay POEA Administrator Atty. Bernard Olalia sa Laging Handa public briefing.

Ginawang halimbawa ni Olalia ang kaso ng isang household service worker sa KSA na hindi umano nakalagay sa employment contract ang kompletong pangalan at address ng kaniyang amo.

ADVERTISEMENT

Ang naturang OFW ay inilipat umano sa isang employer na "blacklisted."

"Na-circumvent po nila 'yung verification rules natin. Nakita natin ang gap na 'yon kaya kinakailangang i-plot natin at babaguhin po natin ang verification guidelines nang sa ganoon hindi na mauulit ang pang-aabuso ng isang employer," paliwanag ni Olalia.

"Hihintayin po na magkaroon ng panibagong verification guidelines na magmumula sa POEA," sabi pa ng opisyal, na nagpahayag din na magkakaroon ng pagpupulong ang technical working group.

Nitong nakaraang linggo nang inihayag ni Department of Labor Secretary Silvestre Bello III, na pansamantalang ititigil ang pagpapadala ng mga bagong HSW sa KSA.

Hindi naman sakop ng kautusan ang mga OFW na ni-renew ang kontrata at pati na ang mga skilled worker.—FRJ, GMA News