Sa pagsisimula ng overseas voting para sa Eleksyon 2022, itinanggi ng Philippine Embassy sa Singapore na may ipinamigay na mga balota na may nakasulat na.

Sa inilabas na pahayag ng embahada, kinumpirma lang nila na may hindi sinasadyang naibigay na "spoiled ballot" sa isang botante.

“It has come to the attention of the Philippine embassy that some unverified sources allege that pre-shaded ballots have been given to voters who came to the embassy to cast their vote today. This is not true,” ayon sa post ng embahada sa Facebook page nitong Lunes.

Naglabas ng pahayag ang embahada kasunod ng post ng isang Facebook user Cheryl Ab, na nagpakilalang isa siyang Pinoy na nasa Singapore, na nakatanggap daw siya ng pre-shaded ballot mula sa embassy.

Pero ayon sa embassy, spoiled ballot lang ang insidenteng nangyari na hindi sinasadyang naibigay sa botante.

Nai-record din umano ang insidente sa minutes of voting para sa AES Voting Posts.

Iginiit ng embahada na “isolated incident” lang ang nangyari.

“The embassy assures the public that it is totally committed to provide a system of honest and orderly overseas absentee voting that upholds the integrity of the voting process,” ayon sa pahayag.

Sa update, sinabi ni Ab na iniulat niya ang insidente sa poll watcher at minarkahang "void" ang nasabing spoiled ballot.

Sa news briefing, sinabi naman ng Commission on Elections (Comelec) na wala pa silang natatanggap na ulat tungkol sa insidente.

“Wala po kaming natanggap na report kahit saan ating post sa kahit na kaninong opisyal doon sa Singapore. Therefore, fake news po iyon,” ayon kay Comelec Commissioner George Garcia.

“Sa ating mga kababayan, huwag na huwag ninyo pong paniniwalaan ‘yung mga pre-shading na sinasabi. Napakadali pong malaman 'yan at makita. ‘Yung mismong nasa post, ‘yung lahat po ng watchers and observers na present sa lahat ng polling places kung nasaan ang ating pagboto madali pong i-report ‘yun,” dagdag ng opisyal.

Sinabi rin ni Garcia na magpupulong ang Task Force Against Fake News ng komisyon para talakayin ang imporasyon tungkol sa umano'y pagkakaroon ng pre-shaded ballots.

“Akala po kasi hindi naming sila mahahanap. Tatandaan po natin National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police-Cyber Crime Division (PNP) at Cybercrime Division ay kaya nilang ma-trace ang lahat ng ‘yan [nasa loob man o labas ng bansa]," ani Garcia.— FRJ, GMA News