Kinikilalang Tulip Capital of the World ang The Netherlands dahil sa dami at naggagandahang tulips dito na makikita sa malaking bahagi ng bansa.

Sa programang "Unang Hirit," ipinasilip ng Pinay na si Rhea Topacio sa virtual tour ang magagandang lugar at tanawin sa The Netherlands.

Ayon kay Rhea, mahigit isang dekada na siya sa The Netherlands. Kasama niya doon ang kaniyang asawang Pinoy din, at mayroon na silang isang anak.

ADVERTISEMENT

Ang mga taniman ng naggagandahang tulips, makikita lang umano sa mga gilid ng kalsada. Bagaman maaaring tumawid sa mga taniman, mahigpit naman na ipinagbabawal ang mamitas ng mga bulaklak.

Mula sa kalagitnaan ng Marso hanggang kalagitnaan ng Mayo ang itinuturing panahon ng tulip sa naturang bansa.

Bukod sa Tulip Capital of the World, kilala rin ang The Netherlands bilang Bike Capital of the World dahil sa dami ng nagbibisikleta.

Isa pang marka ng The Netherlands ang mga sinauna nitong wind mills na hanggang ngayon ay gumagana at napapakinabangan pa rin sa paglikha ng enerhiya at irigasyon.

Masdan sa video na ito ng "Unang Hirit" ang kagandahan ng The Netherlands kasama ang ating kababayan na si Rhea. --FRJ, GMA News