Mula sa Pilipinas, dinala sa Singapore ang isang dating Pinay yaya bilang sorpresa sa dati niyang "alagang" babae na ikinakasal. Ang alaga, naiyak sa tuwa nang makita siyang muli.

Sa video ng "Make Your Day," sinabing 27 taon na nagsilbi ang Pinay na si Lita Tabaque, sa pamilya ng Singaporean na si Kelly Chua-Toh.

Sa panahon ng pagsisilbi ni Lita sa pamilya ni Kelly, miyembro ng pamilya ang naging turing sa kaniya.

Kaya kahit nasa Pilipinas na siya, gumawa ng paraan ang kapatid ni Kelly na si Keith, para dalhin siya sa Singapore upang maging bahagi ng sorpresa at makasama sa kasal ng dati niyang alaga.

ADVERTISEMENT

"I've prepared a very big surprise for you. Are you ready?," sabi kay Kelly. "Look over there."

Nang tanawin ni Kelly ang direksyon na itinuro sa kaniya, napa-'Oh my God! siya nang makitang kumakaway sa 'di kalayuan si Lita.

Napag-alaman na tatlong taon nang hindi nagkikita sina Lita at Kelly. Pero parang hindi sila nagkalayo nang muling magkasama sa Singapore.

Hindi inilihim ni Lita na na-miss niya ang alaga na 28-anyos na ngayon kaya naglaan siya ng panahon para makadalo sa kasal nito.

Ayon kay Kelly, wala silang sikreto ni Lita na itinuturing niyang pangalawang ina.

"She's always there to cry with me when I go through a difficult time in my life, and there to celebrate with me whenever there's a joyous occasion," sabi ni Kelly tungkol kay Lita.

Isang araw bago bumalik sa Pilipinas si Lita, tumulong pa si Kelly at ilang miyembro ng pamilya sa pag-empake ng kaniyang mga gamit pauwi.

At sa departure area, walang katapusan ang kanilang iyakan at pagpapaalam sa kanilang mahal na Pinay yaya. --FRJ, GMA News