Inihayag ng Department of Foreign Affairs na 25 Filipino sa Sri Lanka ang nagpahayag ng kagustuhang makauwi sa Pilipinas dahil sa nararanasang krisis doon sa ekonomiya.

Sa Laging Handa public briefing nitong Martes, sinabi ni DFA Undersecretary for Migrant Workers' Affairs Sarah Lou Arriola, na darating sa bansa sa ngayon linggo o sa susunod na linggo ang unang grupo ng repatriated Pinoys mula sa Sri Lanka.

“Last May 26, nagtawag na ang DFA sa mga kailangan na magpa-repatriate. So far, meron tayong 25,” anang opisyal.

ADVERTISEMENT

Mayroong 492 Pinoy sa Sri Lanka, na malaking bilang ay nakapag-asawa roon ng Sri Lankans.

Nasa 345 ang miyembro ng Philippine Ladies Association, 100 ang kasapi ng Association of Filipinos in Sri Lanka, at 47 ang engineers.

Ilang Pinoy sa Sri Lanka ang hirap na rin sa kanilang pamumuhay doon dahil sa pagbagsak ng kanilang ekonomiya. Umabot sa 33% ang inflation at 45% ang food inflation, o pagmahal ng bilihin.

Sinabi rin ni Arriola na magpapadala ng Pilipinas ng rapid response team sa June 2 sa Sri Lanka para tulungan ang mga overseas Filipino.

Bibigyan umano ng DFA ng $300 in aid ang bawat adult Sri Lanka-based Filipino na nandoon.

Sa mga nagnanais na magpa-repatriate, sinabi ni Arriola na tutulong ang DFA at Overseas Workers Welfare Administration na maihanap sila ng kanilang ikabubuhay pagdating sa Pilipinas.— FRJ, GMA News