Isang overseas Filipino worker (OFW) ang nadagdag sa listahan ng migrant workers sa Qatar na nasawi kung saan ginaganap ngayon ang 2022 World Cup.

Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabing nasawi ang OFW sa isang training base habang may idinaraos na football game.

Una umanong naiulat sa The Athletic sports website ang insidente. Sinasabing nasa edad 40 ang OFW.

Nahulog umano ang biktima habang kinukumpuni ang ilaw sa training base ng national football team ng Saudi Arabia.

Ayon sa ulat, walang suot na harness ang OFW.  Hindi rin nakasaad kung kailan nangyari ang insidente.

"The incident is being investigated by the Qatari authorities," ayon sa isang opisyal ng  Qatar na tumangging banggitin ang pangalan.

"If the investigation concludes that safety protocols were not followed, the company will be subject to legal action and severe financial penalties," dagdag ng opisyal.

Nauna nang iniulat, na nasa 400 hanggang 500 migrant workers ang nasawi sa mga proyekto o mga itinatayong gusali na gagamitin sa 2022 World Cup.

Mahigit $200 bilyon umano ang inilaan para sa mga proyektong stadiums, subway lines at iba pang mga empraestruktura na kakailanganin sa naturang sikat na football tournament.

Samantala, inihayag ng Department of Foreign Affairs ng Pilipinas na inaalam na ang embahada sa Doha ang kaso tungkol sa pagkasawi ng OFW.

Nagpaabot naman ng kalungkutan ang world football's governing body na FIFA sa nangyari.

"As soon as FIFA was made aware of the accident, we contacted the local authorities to request more details," ayon sa pahayag.

Inihayag ng Supreme Committee for Delivery and Legacy, ang organizer ng World Cup ng Qatar, na hindi nila sakop ang lugar na pinangyarihan ng insidente.

Ayon sa kanilang pahayag, "not under the remit" ng komite ang nasawing migrante na isang contractor.

Nagsimula ang World Cup nitong November 20 at magtatapos sa December 18. — AFP/FRJ, GMA Integrated News