Nasa 300 saksak umano ang tinamo sa iba't ibang bahagi ng katawan ng isang 39-anyos na overseas Filipino worker, na kagagawan umano ng sarili niyang mister sa Mangaldan, Pangasinan.

Sa ulat ni Claire Lacanilao ng GMA Regional TV “One North Central Luzon” nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente sa loob ng isang inn sa Barangay Bantayan sa Mangaldan, Pangasinan.

ADVERTISEMENT

Batay sa resulta ng medico-legal ng biktima, umabot sa 300 saksak ang tinamo sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng ginang.

Sa imbestigasyon ng pulisya, matinding selos ang lumalabas na motibo sa krimen.

“Ayon po sa investigation nagkaroon po sila ng pagtatalo at nagkaroon na po ng away at doon na po nagkaroon ng pagpatay,” saad ni Mangaldan Police Station PCAD-WPCD officer Police Captain Charisse Pacheco.

Naaresto ang suspek ngunit tumanggi na siyang humarap sa camera. Gayunman, inamin niya ang ginawang krimen at pinagsisihan niya raw ito.

Nag-ugat umano ang pananaksak nang bigong maipakita ng biktima ang kaniyang cellphone sa suspek. -- Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News