Bukod sa mga paliparan, idinaan umano sa mga pantalan ang mga Pilipino na ginagawang scammer sa Cambodia. Ang ilan sa kanila, nagbabayad umano ng higit P150,000 para maproseso ang kanilang mga dokumento, at kalahati nito, napupunta raw sa immigration officer. 

Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkoles, inihayag ni alyas “Ron,” na isa siya sa mga nabiktima at napasok sa sindikato ng online cryptocurrency stamp sa Cambodia noong nakaraang taon.

Pero kalaunan, ginawa raw siyang taga-recruit ng mga kapwa Pilipino para makasama sa kanilang operasyon.

Sa pagdinig ng Senado, lumabas ang pangalang "Rachel Almendra Luna," na pinuno umano ng human resources ng grupong nagre-recruit ng mga Pilipino.

“Lumabas na dalawa ang main na paraan, via Clark Airport sa Pampanga at via Zamboanga to Sabah, Malaysia,” saad ni Ron.

“Tapos ang sinabi ni Rachel na nag-abot sila sa immigration officer para makalabas ‘yung mga Pilipino,” dagdag pa niya.

Ayon naman kay alyas “Miles,” may kasabwat si Luna na isang "ahente" sa Pilipinas. Pinalalabas daw nito na turista ang Pilipinong nagtatrabaho sa Cambodia.

ADVERTISEMENT

“Pinepeke ang mga vaccine certificate para makalabas ng Pilipinas sa bahay ng agent. Itinuro niya rin sa recruits kung anong immigration booth pipila sa Clark International Airport. Itong booth na ito ang kakilala nilang immigration officer,” salaysay ni Miles.

Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na mahanap at makunan ng pahayag si Luna.

Pero sabi ni Miles, mahigit P150,000 ang bayad para maproseso ang papeles ng bawat Pilipino. Sa naturang halaga, P75,000 hanggang P80,000 daw ang lagay para sa immigration officer.

Ayon sa Bureau of Immigration (BI), may dalawa na silang immigration officer na natukoy na sangkot sa human trafficking at tinanggal na sila sa puwesto habang iniimbestigahan ng Department of Justice.

Natukoy na rin daw nila ang local agent ng mga nabiktimang Pilipino.

“Kailangan maisagawa ang isang matinding overhaul ng ating Bureau of Immigration. Mukhang marami pang natitirang contact ang mafia na ‘yan sa loob ng BI. Halos imposibleng walang mas mataas kasi kung ganoon lang, so ano sila hindi intelihente or sila ay kumikita rin?” giit ni Senador Risa Hontiveros.

Lumalabas din na may mga Pinoy na nakalalabas ng bansa patungo sa Cambodia sa pamamagitan ng pantalan at hindi paliparan. 

Ipinuslit daw si alyas “Brando” sa Tawi-Tawi sakay ng bangka, at kung saan-saang paliparan at idinaan sa pantalan sa Malaysia, Brunei at Thailand bago nakarating sa Cambodia.

Ayon kay Brando, hindi natatakan sa Pilipinas ang kaniyang pasaporte.

“Itong stamp na ito sa passport mo, ito ay stamp ng Bureau of Immigration pero sa Malaysia na-stamp sa passport hindi dito sa Pilipinas. Hindi ko alam na mayroon pala tayong BI Philippines branch Malaysia,” sabi  ng senador.

Kaya palaisipan para kay Hontiveros kung paano nakalabas ng bansa si Brando kung hindi tinatakan ng totoong stamp ang kaniyang passport dito sa Pilipinas.

Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, peke ang stamp sa pasaporte ni Brando, at dumaan ito sa "backdoor" at hindi sa "formal port of exit.”

Nagbabala naman ang ibang nabiktima na ng human trafficking na scam ang mga lumalabas na job offer sa Facebook bilang customer representative sa Cambodia .

“Ang ginawa po ng DMW (Department of Migrant Workers) is ini-stop po namin ang lahat ng hiring going to Cambodia naglabas po kami ng labor advisory para lahat po ng mga prospective OFWs na pupunta sa Cambodia at maabisuhan na may kasalukuyan pong scam na nanaig po doon,” ani DMW Under Secretary Bernard Olalia.

Patuloy umano ang rescue operations sa mga Pinoy na biktima ng human trafficking, at nakatakdang umuwi sa Pilipinas mula sa Cambodia ang walo sa kanila.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News