May panibagong buhos ng protesta ang mga manggagawa sa United Kingdom na pinakamarami ngayon ay mula sa hanay ng mga guro at driver ng tren. Ang mga manggagawa, humihiling ng taas-sahod bunga ng lumalaking gastusin kasunod ng 'di maawat na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo o inflation rate.

Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabing apekto ang sektor ng edukasyon at transportasyon dahil sa mga protesta makaraang walang mabuong kasunduan sa hinihinging dagdag-sahod ng mga manggagawa sa pribado at pampublikong sektor.

Ayon sa umbrella group na Trades Union Congress (TUC), makikita ng UK sa Miyerkules ang "biggest day of strike action since 2011," na kabibilangan umano ng nasa 500,000 manggagawa.

Kasama rin umanong magwewelga ang mga border force worker na nagbabantay sa immigration at customs sa UK air at sea ports.

Ilang buwan na umano ang welga ng mga manggagawa sa Britanya na kinabilangan ng iba't ibang uri ng mga manggawa tulad ng postal staff, lawyers, nurses at employees sa retail sector.

ADVERTISEMENT

Umabot na umano sa 11 percent ang inflation rate sa UK, na pinakamataas sa nakalipas na 40 taon.

Sa pagbisita ni Prime Minister Rishi Sunak nitong Lunes sa mga public health worker, inihayag niya ang kagustuhan na madagdagan ang sahod ng mga manggagawa.

"I would love, nothing would give me more pleasure than, to wave a magic wand and have all of you paid lots more," ani Sunak

"An important part of us getting a grip of inflation and halving it is making sure the government's responsible with its borrowing, because if that gets out of control that makes it worse and it's about making pay settlements reasonable and fair," dagdag niya.

Kabilang ang mga public health worker sa mga nagpaplano ng panibagong welga sa mga darating na araw o linggo, ayon sa ulat.

Batay umano sa kanilang Office for National Statistics, nasa 1.6 milyong working days na ang nawala mula June-November 2022 dahil sa mga welga, na kabuuang anim na buwan at pinakamataas sa nakalipas na tatlong dekada.

Noong lang nakaraang Nobyembre, may kabuuang 467,000 working days ang nasayang dahil sa mga isinagawang "walkout" ng mga manggagawa.

"I'll be working from home" Wednesday, sabi sa AFP ng charity worker na si Katie Webb.

Suportado raw niya ang welga ng mga rail worker na karapat-dapat umano na tumanggap ng tamang sahod.

Noong nakaraang taon, may mga kasunduang nasara sa hanay ng private-sector workers tungkol sa kanilang sahod pero napag-iwanan ang mga kawani ng gobyerno.

"After years of brutal pay cuts, nurses, teachers and millions of other public servants have seen their living standards decimated -- and are set to face more pay misery," ani Paul Nowak, general secretary ng TUC.

Iginiit din ni Nowak na ang "right to strike is a fundamental British liberty," kaugnay sa gagawing  nationwide protests na inorganisa nila.—AFP/FRJ, GMA Integrated News