Inihayag ng Department of Migrant Workers (DMW) na plano ng Manitoba, Canada na kumuha ng marami pang Filipino healthcare workers, at nagmungkahing magkakaloob ng scholarship fund para sa mga nursing student.

Nitong Miyerkules, bumisita si Manitoba Minister of Labour and Immigration Jon Reyes kay DMW Secretary Susan Ople, para pag-usapan ang labor cooperation ng Philippines at naturang lalawigan ng Canada.

Ayon sa DMW, interesado si Reyes na kumuha pa ng mga skilled Filipino health professional sa ilalim ng binubuong programa. Kasama rito ang pagkakaloob ng airfare, accommodation, at training para sa mga matatanggap na Filipino healthcare workers.

ADVERTISEMENT

Nagmungkahi rin ang Canadian province ng scholarship fund para sa mga Pinoy nursing student na nais magtrabaho sa Canada, ayon sa DMW.

Nagpasalamat naman si Ople sa pamahalaan ng Canada sa pagkilala nito sa professionalism ng Filipino health professionals.

“It’s very natural to our Filipino nurses, to our healthcare professionals to see every patient as a member of the family or a friend. Being warm, hospitable, caring, and hopeful are some of the qualities of our Filipino nurses that makes us proud,” anang kalihim.

Una nang sinabi ng Canada na isang lalawigan nila ang nangangailangan ng 1,000 nurses.

Ayon kay Saskatchewan Health Minister Paul Merriman, ang mga matatanggap na nurse ay makatatanggap ng paunang sahod na katumbas ng P150,000, ayon sa ulat ni JP Soriano sa GMA News“24 Oras.”

Maaari ding matanggap ng mga Pinoy ang iba pang benepisyo na natatanggap ng mga Canadian employees. — FRJ, GMA Integrated News