Nagsusumamo ang anak ng isang overseas Filipino worker (OFW) na matulungan sana sila ng gobyerno para maiuwi sa Pilipinas ang mga labi ng kaniyang ina na nasawi sa aksidente sa Kuwait.

Sa ulat ni Cj Torrida sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Martes, kinilala ang nasawing OFW na si Menerisa Mesina Aranjuez, 41-anyos, tubong-Cabiao, Nueva Ecija.

ADVERTISEMENT

Sampung taon na umanong OFW si Aranjuez sa Kuwait. Batay sa nakalap na impormasyon ng kaniyang mga kaanak, sakay ng kotse ang biktima, kasama ang isa pang OFW, at papunta sana sa isa ring OFW nang mabangga sila ng isa ring kotse.

Nasawi si Aranjuez, habang sugatan ang kasama niya sa sasakyan.

"Biyernes po nangyari. Wala po kaming balita about sa nanay ko po," umiiyak na pahayag ni Justine. "Humihingi po sana kami ng tulong sa inyo para mapabilis ang pag-uwi ng labi ng aking ina."

Nanawagan si Justine kina Department of Migrant Workers Secretary Susan "Toots" Ople,  Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Arnel Ignacio, at OWWA Regional Director Region III Atty. Falconi Millar.

Ayon kay Millar, nakipag-ugnayan na sila sa Migrant Workers Office at pinoproseso na rin ang benepisyo na dapat matanggap ng pamilya.--FRJ, GMA Integrated News