Pinag-iingat ng Bureau of Immigration (BI) ang publiko laban sa "call center trafficking scam" na nanghihikayat sa mga tao na nais magtrabaho sa ibang bansa.

Ginawa ng BI ang babala matapos na matulungang makauwi sa Pilipinas noong Marso 9 ang isang babae mula sa Bangkok, Thailand na nabiktima ng scam.

Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, dati umanong online gaming company employee sa Clark, Pampanga ang babaeng biktima na na-recruit sa pamamagitan ng social media ng isang Pinoy na nagpakilalang “Mel” at “Sam.”

Hinikayat daw ng suspek ang biktima na magtrabaho sa call center sa Thailand. Nakalabas umano ng bansa ang babae nang magpanggap itong turista sa utos na rin ng suspek.

ADVERTISEMENT

Isang linggo matapos dumating sa Thailand, sinundo umano ng sindikato ang babae ng private vehicle at ibiniyahe ng 12 oras patungo sa Myanmar.

“The work was with an online betting company with Indian nationals as their target market. She was initially told that she will be compensated $1000 to $1500 a month, but was instead required to reach a quota of half a million Indian Rupees or roughly P330,000, in order to gain commission which will be her main compensation,” ayon kay Tansingco.

Pinagtatrabaho umano ang babae ng hanggang 12 oras at walang day off.

Para payagang makaalis, pinagbayad umano ang babae ng P170,000 at P28,000 para makatawid sa ilog pabalik ng Thailand.

Humingi umano ng tulong ang biktima sa Philippine Embassy sa Thailand, at naiproseso ang kaniyang pag-uwi sa Pilipinas.

“We hear the same story again and again, that professionals are being recruited to this scam,” ani Tansingco sa pahayag.

“This is literally modern-day slavery, and victims were required to pay for their release from the syndicate. We reiterate our call for Filipinos not to fall for this kind of scam, always secure work legally through the Department of Migrant workers,” dagdag ng opisyal.

Kasama umano ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa mga tumulong sa biktima, sabi pa ni Tansingco. — FRJ, GMA Integrated News