Pinag-aaralan umano ng pamahalaan ng New Zealand kung paano mapapadali ang pagproseso sa pagkuha ng mga Pinoy ng kanilang visa. Ayon sa kanilang opisyal, may mga trabaho sa kanilang bansa na puwedeng aplayan ng mga Pinoy.

Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News “24 Oras” nitong Martes,  sinabing nasa Pilipinas ngayon si Deputy Prime Minister Winston Peters, ang New Zealand Minister of Foreign Affairs.

Ayon kay Peters, sinusuri nila ngayon ang mga puwedeng gawin upang maging simple at madali para sa mga Pinoy ang kumuha ng kanilang visa.

“We are looking at the question of expediting visas, simplifying them, making them more obvious in terms of applicants so that there’s not extraordinary delays and ensuring that there are digital and focus on the visa issued is aligned with our employment needs,” pahayag ng dayuhang opisyal.

Tiniyak niya na maraming oportunidad na naghihintay sa mga Pinoy sa kanilang bansa, lalo na sa sektor ng agrikultura.

Sa ngayon, umaabot umano sa 29.66 NZ dollars o katumbas ng mahigit P1,000 kada oras ang minimum wage doon.

Ikinalugod naman ng pamahalaan ng Pilipinas ang plano ng New Zealand para sa mga Pinoy na nais magpunta sa kanilang bansa.

“I expressed appreciation for New Zealand's recognition of the vital contributions of the Philippine diaspora to New Zealand's continued economic prosperity and the richness of its social fabric, and conveyed the hope that their government will ensure the well-being of our Kababayans, including safeguarding their hard-earned social security pensions,” ayon kay Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo.

Ang 32-anyos na si Janela Sibug, kasalukuyang nasa New Zealand para subukan na magtrabaho roon gamit ang working holiday visa.

Sa naturang uri ng visa, pinapayagan ng New Zealand ang mga dayuhan sa kanilang bansa na edad 18 hanggang 35 na bumiyahe at magtrabaho sa loob ng 12 buwan o isang taon.

“This is my dream country,” sabi ni Sibug. “New Zealand kasi is a very peaceful place.”

Kumpara sa sahod sa Pilipinas, mas malaki ang kita umano sa New Zealand na makakatulong sa kaniyang pamilya, lalo na sa kaniyang ama na maysakit.

Pero kailangan ni Sibug na makakuha ng employer na handa siyang i-sponsor para makuha ng permanenteng visa bago sumapit ang Nobyembre upang magtuloy-tuloy ang kaniyang trabaho roon.— FRJ, GMA Integrated News