Hinatulan ng korte sa Amerika si Dr. Alexander Baldonado, isang Filipino-Canadian at permanent resident sa US, na guilty sa 10 counts of health care fraud na may kabuuang halaga na $24 milyon.
Sa isang pahayag mula sa US Department of Justice, nakita sa mga dokumento at ebidensya na mula sa paglilitis na nakatanggap umano si Baldonado ng libu-libong dolyar na illegal kickback at suhol kapalit ng pag-order ng mga laboratory test, kabilang ang mga mahal na cancer genetic tests, na siningil sa Medicare ng dalawang magkaugnay na laboratoryo sa New York.
Bilang bahagi umano ng panloloko, pinayagan ni Baldonado ang daan-daang cancer genetic tests para sa mga Medicare beneficiaries na dumalo sa mga testing event ng COVID-19, sa mga assisted living facilities, adult day care centers, at isang retirement community noong 2020.
Ngunit hindi naman umano pasyente ng 69-anyos na doktor ang sinuman sa mga pasyenteng nasa mga event. Sa maraming pagkakataon, hindi umano nakipag-usap o sinuri ng duktor bago pa ang pag-order ng mga cancer genetic tests at iba pang laboratory tests.
Siningil din umano ng duktor sa Medicare ang mahahabang office visits na hindi naman niya ginawa sa mga pasyente, ayon pa sa mga dokumento na mula sa korte.
Ilan sa Medicare beneficiaries na inutusan ni Baldonado na magpa-cancer genetic tests at naningil para sa office visits ang tumestigo sa korte at sinabing hindi nila kilala ang duktor. Hindi rin daw nakipag-ugnayan sa kanila si Baldonado pagkatapos ng mga testing events upang alamin ang mga resulta ng cancer genetic tests. Ang ilang pasyente, wala daw natanggap na resulta ng pagsusuri.
Bukod sa laboratory testing scheme, sinabi ng US Justice Dept. na nakatanggap umano si Baldonado ng illegal cash kickbacks, at suhol mula sa may-ari ng isang durable medical equipment supply company kapalit ng pag-order ng medical supply na hindi naman kinakailangan na orthotic braces para sa mga Medicare at Medicaid beneficiaries.
Ipinakita bilang ebidensya sa paglilitis ang undercover video na nakatanggap si Baldonado ng malaking halaga ng pera kapalit ng mga naka-sign na reseta para sa orthotic braces.
Napatunayan umano ng korte na guilty si Baldonado sa isang bilang ng conspiracy to commit health care fraud, anim na bilang ng health care fraud, isang bilang ng conspiracy to defraud the United States, isang bilang ng conspiracy to defraud the United States para tumanggap at mag-solicit ng health care kickbacks, at isang bilang ng solicitation ng health care kickbacks.
Matapos ang desisyon, inilipat ang akusado sa kustodiya ng US Marshals Service.
Nakatakda siyang sentensiyahan sa June 26, at posibleg humarap sa maximum penalty na aabot ng 10 taon sa bawat bilang ng kaso para sa kasong conspiracy to commit health care fraud, health care fraud, and solicitation of health care kickbacks, maliban sa rito ang iba pa niyang kaso.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuhanan ng pahayag ang abagado ni Baldonado na si Atty. Jose Muniz, pero wala pa siyang tugon.—mula sa ulat ni Dave Llavanes Jr./FRJ, GMA Integrated News