Naaresto ang isang Pinoy na recruiter na nagsasamantala umano sa kaniyang mga kababayan ang humalo siya sa mga umuwing biktima ng human trafficking na ginawang scammer sa Myanmar, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).
Sa isang panayam sa Super Radyo dzBB nitong Huwebes, sinabi DMW Secretary Hans Leo Cacdac, na sumama ang naturang recruiter sa isang batch ng mga Pinoy na nasagip sa Myanmar, at tinulungang makauwi sa Pilipinas.
“‘Yung huling batch na 12, meron isa do’n naaresto, nagpapanggap na distressed. 'Yun pala siya pala ang recruiter… Oo, Pilipino [siya],” sabi ni Cacdac.
Ayon sa DMW, na-recruit ang mga biktima sa pamamagitan ng Facebook ng isang Pinoy at nag-alok ng trabahong customer sales representatives sa Myanmar.
Pero nang nasa Myanmar na, sapilitan umanong pinagtrabaho ang mga na-recruit bilang online scammer na walang sahod at walang rest days.
Nakaranas din umano ng pagmamalupit at pananakit ang mga biktima.
Matapos nito, mahigit 200 iba pang Pinoy na pinaniniwalaang biktima ng human trafficking sa Myanmar ang nasagip at natulungang makauwi sa Pilipinas.
Nitong Miyerkules, 176 sa mga nasagip ng Pinoy ang dumating sa bansa.
Sinabi ni Cacdac, na isang pang posibleng person of interest sa pagre-recruit ng mga Pinoy na ginagawang scammer sa ibang bansa ang sinusuri ng mga awtoridad na posibleng sumabay din sa pinakahuling batch ng nakauwing mga biktima.
“Dito sa batch na ito, meron ding pinaghihinalaan do’n kaya bago ako umalis ng airport nabanggit sa’kin ni Usec. Ty ng DOJ na meron silang person of interest do’n sa grupo na ‘yun,” ayon sa DMW chief.
Sinabi pa ni Cacdac na nakikipag-ugnayan ang DMW sa Department of Justice (DOJ) kaugnay sa mga ebidensiya na nakalap nila mula sa mga taong nakipagsabawatan para ilegal na ma-recruit ang mga biktima.
“Meron kaming mga ebidensyang ito-turnover kay Sec. Boying (Remulla) kasi merong mga nagbigay ng ebidensya, litrato, at ano pa man na dala namin para talagang matukoy kung sino itong mga tumutulong sa kanilang makaalis ng ilegal,” dagdag niya.
Pitong tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang inalis sa kanilang puwesto dahil nakalabas ang may 200 Pinoy nang walang kaukulang dokumento naging biktima ng human trafficking sa Myanmar.— mula sa ulat ni Giselle Ombay/FRJ, GMA Integrated News