Tiniyak ng Department of Migrant Workers (DMW) ngayong Lunes na bibigyan nila ng kaukulang tulong ang overseas Filipino worker (OFW) na ama na namatayan ng limang-taong-gulang na anak sa pagsalpok ng isang SUV sa mga tao sa departure area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 nitong Linggo.

Ayon pa sa DMW, makikipag-ugnayan sila at ipapaliwanag sa employer ng amang OFW sa Europe kung bakit hindi siya dumating. Paalis na sana ang OFW nitong Linggo at ihahatid lang ng kaniyang asawa at nasawing anak nang mangyari ang trahediya.

Bukod sa nasawi ang anak, ayon sa DMW, nasaktan sa naturang insidente ang asawa ng OFW at ina nito.

“We likewise fervently pray for the fast recovery of his wife, who was also run over and is hospitalized in critical condition. We also ask for prayers of healing and safety to those affected by this very unfortunate incident, including the mother of the OFW who was also injured but is currently out of harm’s way,” saad sa pahayag ng kagawaran.

Nananawagan din ng hustisya ang DMW para sa mga biktima, kasama ang isa pang lalaki na nasawi sa insidente.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang driver ng SUV, na ipinaliwanag umano sa mga awtoridad na nag-panic siya at naapakan ang selinyador nang may dumaan na sasakyan sa kaniyang harapan.

Gayunman, nakita sa CCTV camera na walang sasakyan na dumaan sa harapan ng SUV nang manggyari ang insidente taliwas sa pahayag ng driver.

Sinuspinde na ng Land Transportation Office (LTO) ng 90 araw ang driver’s license niya.

Naglabas din ng show cause order LTO laban sa may-ari ng SUV at ng naturang driver, na isasasailalim sa drug test, ayon sa Department of Transportation (DOTr).—FRJ, GMA Integrated News