Isang Pinoy ang pinalad na manalo ng CA$80 million lottery jackpot sa Canada o katumbas ng P3.2 bilyon.

Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, ibinahagi ni Justin Simporios sa isang panayam ng Canadian media na napanaginipan niya ang tinayaang Lotto Max ticket.

“I place it in a Ziploc bag, I put it under my pillow case…” saad niya.

Malaking biyaya para kay Simporio ang kaniyang napanalunan para sa magandang kinabukasan ng kaniyang pamilya.

“For me, it’s really like securing my family’s future right now. Like I talk to an adviser, make sure you make that money like a generational wealth,” pahayag niya.

Gagamitin din umano niya ang kaniyang napanalunan para matulungan ang mga kapatid sa pag-aaral, at ma-enjoy ang kaniyang ina ang maagang pagtigil sa trabaho.

Plano rin ni Simporio na tulungan ang kaniyang mga kamag-anak sa Pilipinas. Gayundin ang pagtulong sa kaniyang komunidad sa Surrey, British Columbia, kung saan naninirahan ang kaniyang pamilya sa nakalipas na apat na taon.

“We already have set charities in our brains, but we are just writing it down. We’re gonna decide once we get to a financial adviser, for sure I wanna give back to the community,” sabi ni Simporio. —FRJ, GMA Integrated News