Inanunsyo ng Egypt na mangangailangan sila ng mga Filipino nurse upang sanayin ang kanilang mga nurse matapos ang pagpupulong ng mga opisyal ng dalawang bansa.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkoles, sinabing nais ng Egyptian government na matutunan ang kahusayan ng mga Pinoy nurse na in demand sa iba pang bansa, gaya ng Amerika, Canada, at sa Middle East.
“There will be Filipino trainers traveling to Egypt and actually spending a very long time training Egyptian nurses,” ayon kay Osama Al-Azhari, Minister of the Religious Endowment of Arab Republic ng Egypt, na nasa bansa ngayon.
Kasabay nito, nilagdaan din ang training agreement ng Egypt at National Commission on Muslim Filipinos. Sa ilalim ng kasunduan, magdadala rin ng mga Filipino imam at jurists sa Egypt para sanayan at ituro ang tungkol sa Sharia o Islamic Law.
Samantala, pinagtitibay rin ng pamahalaan ng Pilipinas ang pakikipag-ugnayan nito sa Lithuania kaugnay sa pagkuha ng mga Pinoy workers.
Ayon sa Department of Migrant Workers, mas mataas na ang demand ng Lithuania para sa mga Filipino worker para sa iba’t ibang sektor niya gaya ng kalukuyan, transportasyon, maritime, construction, at food services. — FRJ, GMA Integrated News
