Patay na nang matagpuan ang isang Pinay na iniulat na ilang araw nang nawawala sa Las Vegas, Nevada. Ang pamilya ng biktima, nagtataka kung paano siya nakarating sa lugar kung saan nakita ang kaniyang bangkay.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Martes, sinabing iniulat ng pamilya noong July 27, na nawawala si Lourdes Morin, 75-anyos. Huli siyang nakitang buhay na patungo sa St. Viator Church malapit sa Flamingo para dumalo sa misa.

Ngunit hindi na siya nakauwi mula noon.

Ayon sa Missing Person Alert na inilabas ng Las Vegas Metropolitan Police Department, huling nakitang buhay si Morin dakong 7:00 a.m. noong July 26 malapit sa Dorothy Avenue, na nakasuot ng white blouse at black pants.

Pagkaraan ng tatlong araw, nakita ng hikers ang bangkay ni Morin sa bangin na 10 kilometro ang layo sa huling lugar na nakita siyang buhay.

Nagsisimula na ring maagnas ang kaniyang bangkay, ayon sa kaniyang kaanak.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung may foul play sa pagkamatay ni Morin kung bakit siya napunta sa malayong lugar.

Tubong Victorias City, Negros Occidental, si Morin na isang green card holder, at nagtungo sa Las Vegas noong Mayo para makasama ang anak at apo. 

Naglunsad ang kaniyang mga kaanak ng GoFundMe campaign para makalikom ng pera para sa kaniyang cremation at maiuwi sa Pilipinas ang kaniyang abo. – FRJ GMA Integrated News