Tatlong Pilipino na may kinakaharap na kaso sa Amerika ang kusang nagpa-deport at tinutulungan ngayon ng Philippine Consulate General offices sa New York at San Francisco, California. Ang isa sa tatlong Pinoy, may mga kaso tungkol sa pang-aabuso sa mga menor de edad.
Ang isa sa tatlo ay napag-alaman na 29-anyos na lalaki na mula Middlesex, Massachusetts, na dati nang nahatulan sa kasong rape, aggravated rape of a child, rape of a child with force, apat na bilang ng indecent assault and battery sa isang batang wala pang 14-anyos, at dalawang bilang ng indecent assault and battery sa isang biktima na lampas 14-anyos.
Nahaharap naman sa mga kasong may kaugnayan sa terorismo ang isa pang Pinoy at kasalukuyang nakakulong sa Philadelphia.
Ayon kay New York Consular Officer Rovald Valdez, ng Assistance to Nationals Section ng Konsulado, kasalukuyang pinoproseso ang mga travel document ng dalawa habang hinihintay ang gabay mula sa US Immigration and Customs Enforcement (ICE) hinggil sa estado ng kanilang deportasyon.
Binanggit ng oposyal na may malaking backlog sa kusang nagpa-deport sa harap ng kampanya ng US government laban sa mga dayuhan sa kanilang bansa na may kaso at walang kaukulang dokumento para manatili sa Amerika.
Samantala, iniulat ng Philippine Consulate General sa San Francisco, na nagsagawa sila ng welfare check sa isang Pilipino na kasalukuyang nakadetine sa ICE Denver Contract Detention Facility sa Aurora, Colorado.
“The Philippine Consulate General in San Francisco conducted a welfare check and consular visit on July 24, 2025, to a Filipino national in detention at the Denver Contract Detention Facility in Aurora, Colorado. The visit was undertaken ahead of the Consulate’s Consular Outreach Mission in Colorado on July 25–26, 2025," saad nito.
Sa naturang pagbisita, nagpahayag ang Pinoy na nakadetine roon ang kagustuhan na umuwi na sa Pilipinas sa lalong madaling panahon.
"He also conveyed his appreciation for the consular visit, welfare support, and other assistance provided by the consulate,” saad sa pahayag.
Samantala, sinusubaybayan din ng konsulado sa LA ang kaso ng isang Pilipino na inaresto ng Federal Bureau of Investigation (FBI) dahil sa umano’y kaugnayan nito sa grupong ISIS.
Ayon kay Consul Levi Malaylay, nakikipag-ugnayan sila sa pamilya ng naturang 29-anyos na Pinoy na nasa kustodiya ng federal authorities.— mula sa ulat ni Dave Llavanes Jr./FRJ GMA Integrated News

