Nakalabas na ng ospital ang tatlong turistang Pinoy na kabilang sa mga nasaktan sa bus accident sa New York nitong weekend, ayon sa Department of Foreign Affairs ngayong Lunes.
Ayon sa impormasyon mula sa Philippine Consulate General sa New York, mga residente sa Qatar ang mga Pilipino, at nagbabakasyon sa New York nang mangyari ang insidente.
Binigyan na umano sila ng pahintulot ng ospital na makabiyahe.
"A consulate representative will meet them to ascertain their needs and ensure their welfare until their scheduled departure," saad sa pahayag ng DFA.
Sa radio interview, kinumpirma ni DFA spokesperson Ambassador Angelica Escalona ang pinakahuling update tungkol sa tatlong Pinoy. Nagpaliwanag din siya sa sistema ng mga awtoridad sa US kapag may katulad na insidenteng nangyayari.
"Yes, good news po. Good na sila,” sabi ni Escalona sa Super Radyo dzBB, at ipinaliwanag na kaagad na nakipag-ugnayan ang Philippine embassies at consulates sa mga awtoridad nang mangyari ang aksidente upang alamin kung may mga Pinoy na nakasakay sa bus.
Gayunman, sinabi ng opisyal na mahigpit talaga ang privacy protocols sa US at iba pang bahagi ng North America sa paglalabas ng mga impormasyon sa mga katulad na insidente.
“Ang unang-una kasing nangyayari pag may insidenteng ganito is that ang konsulado or embahada natin kino-contact ang awtoridad para malaman kung may Pilipino. Pero dito sa North America tulad ng US, very strict ang privacy protocols nila… Pag na-clear na po at pumayag din yung mga individuals involved, saka po naka-release ng information," paliwanag ni Escalona.
Sakay sa tourist bus ng Van Wool Bus and Coach na pag-aari ng M&Y Tour Inc. ng Staten Island, New York, ang 54 pasahero, kasama ang driver at crew, nang maaksidente ito sa Interstate 90 habang pabalik sa New York City mula sa Niagara Falls.
Lima ang nasawi, at marami ang sugatan.— mula sa ulat nina Michaela Del Callar at Sherilyn Untalan/FRJ GMA Integrated News

